Mga Data Standard para sa Identidad

Noong unang bahagi ng 2026, inilabas ng pamahalaan ang dalawang pamantayan at patnubay para sa pangangalap at paggamit ng datos tungkol sa identidad o pagkakakilanlan. Isinagawa ito upang masuportahan ang isang mas hindi pabago-bagong pamamaraan sa pangangalap o pagkolekta, paggamit at pagbabahagi ng mga impormasyon tungkol sa Indigenous (katutubo) at panlahing identidad.
Susuportahan ng mga pamantayang ito ang pangangalap ng de-kalidad at angkop sa kultura (culturally safe) na demograpikong impormasyon. Makakatulong ito upang matukoy ang sistemikong rasismo sa mga serbisyo ng pamahalaan at maunawaan kung ano pa ang mga bagay na mapapabuti para sa lahat ng mamamayan sa B.C.
Ano ang mga data standard (pamantayan sa pangangalap at paggamit ng datos)?
Ang mga data standard (pamantayan) at patnubay para sa datos tungkol sa identidad o pagkakakilanlan ay nagbibigay ng direksiyon kung paano kinokolekta, ginagamit at ibinabahagi ng mga ministry ang mga impormasyon tungkol sa Indigenous (katutubo) at panlahing identidad. Nakakatulong ang mga pamantayang ito upang mabawasan ang panganib na makapagdulot ng pinsala sa pamamagitan ng pagbabalangkas kung paano at ano ang mga dapat tanungin kapag nangangalap ng datos.
Ginagabayan ng Indigenous Identity Data Standard (pamantayan para sa pangangalap at paggamit ng datos tungkol sa Indigenous na identidad) ang pamamaraan ng pangangalap ng impormasyon tungkol sa Indigenous na identidad sa paraang kinikilala ang mga natatanging pagkakakilanlan at mga bukod-tanging karapatan ng mga indibidwal na First Nations, Métis, and Inuit at sinusuportahan ang Indigenous data sovereignty (karapatan ng Indigenous Peoples na kontrolin ang datos tungkol sa kanila) at self-determination (karapatan ng Indigenous Peoples na malayang makapagtatag ng sariling paraan ng pamamahala).
Sinusuportahan ng Racial Identity Data Standard (pamantayan para sa pangangalap at paggamit ng datos tungkol sa lahi) ang koleksiyon ng datos batay sa lahi ng isang tao na angkop sa kanilang piniling paraan ng pagkilala sa sarili, at ginagalang ang iba’t ibang identidad at kung paano ito nagkakaugnay.
Ang mga pamantayang ito ay binuo sa ilalim ng Anti-Racism Data Act upang makatulong sa paghahatid ng mas makatarungang serbisyo at masuportahan ang kasalukuyang pananaliksik tungkol sa sistemikong rasismo.

Bakit natin kailangan ng mga pamantayan para sa pangangalap ng impormasyon tungkol sa identidad o pagkakakilanlan?
Mayroong mga kasalukuyang pamamaraan para sa koleksiyon ng impormasyon tungkol sa identidad o pagkakakilanlan ng mga tao sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Ibig sabihin, kapag lumalapit ang mga mamamayan sa pamahalaan para sa mga serbisyo, maaari silang tanungin nang ilang beses, at sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan para hingiin ang parehong impormasyon.
Ginagawa nitong mas mahirap ang paghahambing ng mga datos at pag-unawa kung sino-sino ang gumagamit ng mga serbisyo ng pamahalaan o kung saan mayroong mga pagkukulang at hadlang.
Ang mga pamantayang ito ay nagbibigay-daan para sa isang mas hindi pabago-bagong paraan ng pangangalap ng impormasyon tungkol sa Indigenous at panlahing identidad. Ang patnubay na ito ay kasabay na makakatulong sa mga pamantayan at ibinabalangkas nito ang mga pangunahing prinsipyo tungkol sa koleksiyon o pangangalap, paggamit at pagbahagi ng datos. Kabilang dito ang:
- Pagtiyak na mayroong malinaw na layon para sa pangangalap o pagkolekta ng impormasyon, tulad ng pangangailangan upang makapaghatid ng serbisyo o para sa pananaliksik
- Pagkuha lamang ng impormasyon na kailangan para sa layong iyon
Kapag magkasamang ipinapatupad, ang mga pamantayan at ang patnubay ay sinusuportahan ang pananaliksik kung paano nakakaapekto ang sistemikong rasismo sa mga karanasan ng mga mamamayan at nakakatulong upang matukoy ang mga hadlang sa pag-access ng mga serbisyo. Sa pamamagitan ng impormasyong ito, maaari nating gawing mas makatarungan at ingklusibo ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Sino ang mga tumulong para buuin ang mga pamantayang ito?
Binuo namin ang mga pamantayang ito sa pamamagitan ng konsultasyon kasama ang mga Indigenous Peoples at input mula sa Anti-Racism Data Committee. Ang feedback na ito ay makakatulong upang mabawasan ang pinsala na dulot ng pangangalap o koleksiyon ng datos.
Bilang bahagi ng pagsisikap na ito, sinuri namin ang kasalukuyang pamamaraan ng pamahalaan para sa pangangalap ng personal na impormasyon, pati na rin ang mga tugon mula sa pakikipag-ugnayan sa komunidad at ang BC Demographic Survey. Sinuri din namin kung paano hinihingi ng ibang organisasyon, tulad ng Statistics Canada, ang impormasyon tungkol sa identidad o pagkakakilanlan ng mga indibidwal.
Isinasalamin ng mga pamantayan ang mga natuklasan namin sa prosesong ito at maaari itong magbago sa hinaharap upang maiayon ang nagbabagong katangian ng mga kahulugan, wika, kaalaman at karanasan.

Karagdagang impormasyon
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga pamantayan sa pangangalap at paggamit ng datos tungkol sa identidad o pagkakakilanlan ng isang tao at kung paano ito maisasagawa:
