Nagbibigay-kwento ang mga Likhang Sining
Sa iba’t ibang bahagi ng B.C., ginagamit ng mga alagad ng sining ang kanilang mga likha upang ipagdiwang ang kanilang mga tradisyon at itaguyod ang kanilang mga komunidad. Upang mabigyang-tuon ang kanilang mga biswal na paglalahad, hiniling namin sa mga artist na ibahagi ang kanilang mga likha upang masuportahan ang Anti-Racism Data Act. Nagpapasalamat kami sa kontribusyon ng bawat isa.

Ang sining ay isang makapangyarihang paraan na makakatulong sa ating matuto tungkol sa lipunan at iba’t ibang kultura, at mapagnilayan ang ating mga pananaw tungkol sa mundo.
Kilalanin ang mga alagad ng sining

Angie Quintanilla Coates
Si Angie Quintanilla (keen-tah-knee-yah) Coates ay isang visual artist na ipinanganak at lumaki sa Monterrey, Mexico, kasalukuyang naninirahan sa Port Moody, B.C.
Makikita sa kaniyang likha na ang mga kulay ay nagiging wika – isang wika na parehong kultural at personal. Nakaugat sa kaniyang lahing Mexicano, na kilala sa pagiging walang pag-aalinlangan at pagkakaroon ng matatag na optimismo, at hinubog ng kaniyang sariling landas tungo sa paghilom, ang kaniyang mga likha ay nagiging kumbersasyon sa wikang ito. Sa pamamagitan nito, iniimbitahan niya ang mga nakakakita ng kaniyang likha na sandaling huminto para makaramdam ng pahinga, na isang selebrasyon ng mga hugis at kulay. Nagsisilbi rin itong isang bukas na imbitasyon para sa sinuman na kailangan ng tinatawag niyang “dopamina mexicana”.
In Bloom I
Ang In Bloom I, na ginawang inspirasyon ang mga forest trail ng Port Moody, ay isang abstract wood relief sculpture na ipinapakita ang mga uri ng halaman sa west coast ng B.C. Hango sa Mexican tile design, gumagamit si Angie ng paulit-ulit na ritmo upang bumuo ng mga paggalaw at koneksiyon, kung saan ginagawang matingkad, intensiyonal at iginigiit ang espasyo ng bawat geometric piece.
Para makita pa ang ibang likha ni Angie, pumunta sa angieqcoates.com.


Annie Chen
Si Annie Pei-Hsuan Chen ay isang multidisciplinary artist na may estilong mapaglaro at grapiko ay hinubog ng kaniyang lahing Taiwanese at kinalakihan dito sa Canada. Pinapatakbo niya rin ang Lemonnie Design, isang surface design studio sa Vancouver, B.C. na naglilisensiya ng mga artwork sa mga retailer at manufacturer sa iba’t ibang panig ng mundo. Gamit na inspirasyon ang arkitektura, paglalakbay at ang mga pang-araw-araw na kapaligiran, tinutuklas ng kaniyang mga likha ang anyo, kulay at ugnayan ng espasyo sa pamamagitan ng isang intuitive na visual language. Sakop ng kaniyang mga paglikha ang paggawa ng mural at fine art kung saan ipinapaskil bilang exhibit ang kaniyang mga obra sa mga gallery. Kasama din dito ang mga commissioned o ipinagawang artwork para sa mga pampubliko at pribadong espasyo.
Whispers of the Wild
Ipinapakita ng Whispers of the Wild ang mga tanawin ng Squamish, B.C. sa pamamagitan ng mga iba’t ibang anyo ng layer na ginawang inspirasyon ang mga bundok, kakahuyan at mga ilog. Mayroong makikitang tila mga nakatagong hayop sa komposisyong ito, nag-iimbita para sa mas malapitang pagmamasid at ipinapakita ang pagkakaugnay ng mga ecosystem na makikita sa rehiyon.
Para makita pa ang ibang likha ni Annie, pumunta sa lemonni.com.


Fernanda Salla
Si Fernanda Salla ay isang multidisciplinary artist na ipinanganak sa Brazil na ipinapahayag sa kaniyang mga likha ang mayamang kultura ng São Paulo, at ang mayamang street art nito, na binibigyang inspirasyon ng mga hayop at tanawin ng British Columbia. Sa pamamagitan ng kaniyang background sa journalism na nakapokus sa edukasyon at sining, pinagsasama niya ang pagsasalaysay, kultural na kaalaman at malikhaing pagpapahayag, pag-advocate sa accessible, diverse at ingklusibong sining sa Prince George, B.C.
Northern Flight (Canada Goose)
Isang minimalist na ilustrasyon ng isang lumilipad na Canada goose sa tanawin sa norte na iginuhit sa pamamagitan ng watercolour at ink. Naka-contrast ang mga banayad na kulay sa pinong guhit ng mga puno. Ang mga bilugang elemento sa likhang ito ay tumutukoy sa mga geometric na elementong makikita sa iba’t ibang art movement (kilusang pansining) at lokal na tradisyonal na sining sa Brazil. Ipinapahayag nito ang payapa, malaya at ang ugnayan sa kalikasan sa pamamagitan ng isang kontemporaryo at mapagpahayag na biswal na wika.
Para makita pa ang ibang likha ni Fernanda, pumunta sa instagram.com/fesallaart.


George Littlechild
Lumilikha ng mga obra si George bilang panghabambuhay na misyon—isang pagpapahayag ng maalab na interes, layon at identidad. Bilang isang survivor ng Sixties Scoop, ang kaniyang mga likha ay malalim na nakaugat sa kaniyang mga karanasan, na dinadala ang mga personal at kolektibong kasaysayan. Matingkad, makapangyarihan at tinutulak ng emosyon, pinaghahalo ng kaniyang mga likha ang pagkukuwento kasama ang pagsasanay na espiritwal at intuitive upang tuklasin at ipakita ang mga panlipunan at politikal na realidad.
Hinikayat mula pa sa murang edad, nakabuo si George ng isang kahanga-hangang karera na sinasaklaw ang pormal na pagsasanay, mga eksibisyon, publikasyon, at pagtuturo. Bilang isang artist, guro, at cultural worker, nakatuon siya sa pagtugon sa mga kawalan ng katarungang nararanasan ng First Nations Peoples, habang ipinagdiriwang ang kanilang katatagan, lakas, at di-nagmamaliw na kultural na legasiya.
The Man who Seeks the Stars
Ang aking alter ego ay nakatirintas ang mahabang buhok, nagsusuot ng makukulay na damit at humahanga sa kalangitan sa gabi. Isang two-spirit na historyador, seer doer at bisyonaryong ipinaglalaban ang kaniyang tribe/mga Indigenous peoples. Itinatama ang mga mali sa pamamagitan ng ipinagkaloob ng Maykapal na sining at pagkamalikhain. Ang sining ay mayroong kapangyarihan at nagpapakita ng katotohanan. Ang sining ay isang biyaya para sa sangkatauhan at ang mga alagad ng sining ay may likas na talento at pinagpala.
Para makita pa ang ibang likha ni George, pumunta sa georgelittlechild.com.


Jace Junggyu Kim
Si Jace Junggyu Kim ay naninirahan sa Surrey, B.C. at isa siyang Canadian na pintor na lumilikha ng sining na iniuugnay ang matalinhagang presisyon at abstraktong sigwa. Nagtapos sa Emily Carr University, nagtransisyon si Kim mula sa digital animation at lumipat sa tradisyonal na pagpipinta, paghahalo ng oil, acrylic, ink at spray paint.
Ang kaniyang pagsasanay ay kilala sa natatanging ambidextrous na technique: ang kaniyang kaliwang kamay na nagdadala ng matikas at magpapayahag na enerhiya, habang ang kaniyang kanang kamay naman ay naghahatid ng mayumi at metikulosong detalye. Sa pamamagitan ng sabay na pagpipinta gamit ang dalawang kamay, naipapakita ni Kim ang tensiyon at pagkakasundo sa kaniyang damdamin, at lumilikha ng mga kontemporaryong portrait kung saan parehong makikita ang hilaw at pulidong estilo.
Deep Sleep
Ang nakakaantig na portrait na ito ay hinahamon ang konsepto ng lahi sa pamamagitan ng paghahalo ng mga anyong pantao sa masalimuot at masiglang hanay ng mga kulay. Ipinapahiwatig ng paghahati ng mga warm at cool tone ang internal na tensiyon at ang sakit ng sistematikong dibisyon. Sa pamamagitan ng pagpinta ng isang magnolia, na isang simbolo ng pagpupursigi, nanawagan ito ng isang bisyong nakaugat sa magkaisang sangkatauhan at pag-unlad.
Para makita pa ang ibang likha ni Jace, pumunta sa jacekimstudio.com.


Marlene Yuen
Si Marlene Yuen 袁慧嫻 (she/her) ay isang visual artist. Siya ay isang second-generation Chinese-Canadian na naninirahan, nagtatrabaho at lumilikha ng sining sa mga teritoryong hindi isinuko (unceded) at minana (ancestral) ng xwməθkwəyəm̓ (Musqueam), Skwxwú7mesh (Squamish) at Səlílw̓ətaʔ/Selilwitulh (Tsleil-Waututh) Nations. Iba’t ibang uri ang kaniyang mga likha mula sa mga ilustrasyon, mga print, komiks, mga zine at handmade na libro. Gumagawa rin siya ng likhang sining tungkol sa makasaysayang Chinatown ng Vancouver at mga manggagawang Chinese Canadian para sa mga museo, gallery at pampublikong art program. Nakapag-exhibit na si Marlene sa Workers Arts & Heritage Centre, grunt gallery, Griffin Art Projects, Chinese Canadian Museum, Vancouver Art Gallery at Richmond Art Gallery.
Anna’s Garden
Ipinagdiriwang ng Anna’s Garden ang Chinese Canadian artist na si Anna Wong, na nagtrabaho sa negosyo ng kanilang pamilya sa Modernize, ang mga pinakamatandang mananahi sa Chinatown. Isa siyang tunay na nangunguna sa kaniyang larangan, nag-aral siya ng printmaking sa Vancouver School of Art at ipinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at pagtuturo sa Pratt, New York. Sa kaniyang pagreretiro, naging kilala siya na nasisiyahan sa pagpapalago ng mga halaman sa kaniyang hardin ng mga poppy at bluebell.
Para makita pa ang ibang likha ni Marlene, pumunta sa marleneyuen.com.


Mimi Thompson
Si Mimi Thompson ay isang first-generation na Canadian na pintor at photographer na mayroong pinaghalong lahing Asyano at Europeo, at nagiging kilala sa kaniyang paglikha ng sining sa Kelowna, B.C. na matatagpuan sa tradisyonal, minana (ancestral) at hindi isinukong (unceded) na teritoryo ng syilx/Okanagan people. Nagtapos sa Emily Carr University of Art & Design, lumilikha ng mga obra si Mimi na medium at large scale gamit ang oil, acrylic at digital photography. Nakasentro ang mga ito sa pagninilay tungkol sa destruksiyon at muling pagsibol, kagandahan at mga bagay na panandalian lamang.
Persephone Anemone
Pinag-uugnay ang mga karanasan ng isolation noong pandemic lockdown at mga karanasan ng marginalization, ang Persephone Anemone ay isang bahagi ng mas malawak na likhang sining na pinagninilayan ang pananabik at para maabot ang pagkakaroon ng komunidad, pag-ibig, pagtanggap at pagkabilang.
Para makita pa ang ibang likha ni Mimi, pumunta sa mimithompson.ca.


Rande Cook
Si Rande Cook ay isang contemporary Indigenous artist na mayroong lahing Kwakwaka’wakw. Inuugnay ng kaniyang mga likha ang tradisyon, inobasyon at pagkakaroon ng kamalayan tungkol sa mga usaping pangkalikasan. Nakaugat sa katutubong kaalaman at formline design, sakop ng kaniyang paglikha ang paggawa ng iskultura, panel work at public art na parehong ipinapahayag ang mga kuwentong kultural at modern materialism. Kadalasang tinutuklas ng mga likha ni Cook ang ugnayan sa pagitan ng mga tao, espiritu at kalikasan, kung saan isinasama ang mga elemento ng siyensiya at pagkukuwento upang mapalalim ang kahulugan nito. Sa pamamagitan ng pulidong paglikha ng mga obra at mapangahas na bisyon, gumagawa siya ng mga obrang may kalidad na pangmuseo na parehong nakaantig sa mga maliliit na espasyo at mga malalaki o large-scale na eksibisyon. Iniimbitahan ng mga likhang ito ang pagninilay, koneksiyon at panibagong paraan ng paggalang sa mga lupain, kultura at kolektibong responsibilidad.
Amelia
Ang Amelia ay bahagi ng Colours series, na ipinagdiriwang ang kagandahan at pagkakaiba-iba ng lahi ng mga tao. Sa pamamagitan ng iba-ibang anyo na naka-layer at matingkad na hugis, ipinapahayag ng obrang ito ang pagkakaisa, paghilom at ang ating sama-samang tungkulin na pangalagaan ang ating Inang Kalikasan. Iniimbitahan nito ang mga nagmamasid na mata na magnilay tungkol sa ugnayan, paggalang at kolektibong pangangalaga ng ating natural na kapaligiran.
Para makita pa ang ibang likha ni Rande, pumunta sa randecook.gallery.


Sara Khan
Tinutuklas ni Sara Khan ang paghahalo ng diwa ng mga totoo at kathang-isip sa pamamagitan ng mga painting na iginuhit gamit ang watercolour, paglikha sa mga tela at seramika.
Kabilang sa mga kamakailang solo exhibition ang “Zameen Kha Jai Gee Asmaan” sa Zalucky Contemporary sa Toronto (2024) at “Roshni Key Teh Mein” sa Reach Gallery Museum sa Abbotsford, B.C. (2021). Kabilang sa kaniyang mga group exhibition ang “Historical Children” sa Savvy Contemporary, Berlin, at “Let Me Take You There” sa Doris McCarthy Gallery, Scarborough, ON (2023). Siya ang artist-in-residence sa Burrard Arts Foundation noong 2021.
Nagtapos si Khan ng Bachelor of Fine Art sa National College of Arts, Lahore. Siya ay naninirahan at nagtatrabaho sa Vancouver, Canada.
Transporter
Karamihan ng mga kamakailang likha ni Sara ay nakatuon sa hybridity at transpormasyon. Interesado si Sara sa kung ano ang nagiging anyo natin matapos ang isang karanasang nagdudulot ng pagbabago, halimbawa, kung ano ang hinihingi sa atin ng pagiging isang ina, na tila nagiging isang shell na tahanan para sa ating mga anak.
Para makita pa ang ibang likha ni Sara, pumunta sa sara-khan.com.


Sharon Lam
Ipinanganak sa Hong Kong at lumaki sa Victoria, B.C., si Sharon Lam ay isang illustrator na mahilig hamunin ang sarili na gumuhit at ipakita ang diwa ng isang lugar. Nagsimula siyang gumuhit ng mga paboritong restaurant at parke ng kanilang pamilya noong pumasok sa hospice care ang kaniyang ina. Sa mga huling linggo nilang magkasama, nabatid ni Sharon na ang kanilang mga paboritong alaala ay hindi mula sa mga malalayong bakasyon, ngunit sa linggo-linggong pamamasyal nila sa kanilang lokalidad. Layon ng likhang sining ni Sharon na ipagdiwang ang lahat ng mga mahahalagang alaala na nabuo sa mga espesyal na lugar na ito.
Ogden Point Breakwater
Ang breakwater ay isang espesyal na lugar kung saan nag-eenjoy ang aming pamilya na magkasamang maglakad. Palagi akong namamangha sa mga taong naglalakad at kung paano sila nag-eenjoy sa sikat ng araw, nag-aabang sa paglubog ng araw, at nasasabik na makakita ng isang otter! Kapag naglalakad dito, ipinapaalala sa akin na maging present at pahalagahan ang oras na magkakasama kami.
Para makita pa ang ibang likha ni Sharon, pumunta sa artbysharonlam.com.

