Mga update ng komite
Sinusuportahan ng Anti-Racism Data Committee ang mga pagsisikap ng pamahalaan upang tugunan ang sistemikong rasismo sa mga programa at serbisyo.
Binibigyang-diin sa page na ito ang ilang aktibidad ng komite mula nang itinatag ito noong Setyembre 2022.

Kada taon, sinusuri ng Anti-Racism Data Committee ang mga nilalaman para sa paglalathala ng estadistika at nagbibigay ng payo tungkol sa pagbabawas ng mga makakapagpahamak o mga negatibong epekto sa komunidad. Basahin ang tungkol sa mga repleksiyon ng komite sa pagsisikap na ito.
Mga repleksiyon ng komite tungkol sa paglalathala ng estadistika (release of statistics) para sa 2026
Itinatag ang Anti-Racism Data Committee noong Setyembre 2022 sa ilalim ng Anti-Racism Data Act upang suportahan ang pamahalaan tungkol sa paggamit ng datos para matukoy at matugunan ang sistemikong rasismo at isulong ang panlahing katarungan. Sa pagsisikap na ito, tumutulong ang komite para mabawasan ang panganib ng pinsala sa mga komunidad at pinapahusay ang transparency at accountability. Tinitiyak namin na nakasentro ang boses ng mga mamamayang Indigenous (First Nations, Métis at Inuit) at racialized sa pagsisikap na ito.
Kami ay isang komite ng mga dalubhasa sa anti-racism, pananaliksik at datos, na mayroong maraming karanasan, natutunan at kaalaman sa mga larangang ito. Dinadala namin ang pananaw na ito sa aming pagsusuri ng paglalathala ng estadistika kada taon habang isinasaalang-alang ang aming pangunahing pokus bilang komite: ang makatulong upang matiyak na ang datos ay nakalap, na-interpret at ibinabahagi sa mga paraan na nagsusulong ng mga pagsisikap upang mapuksa ang sistemikong rasismo sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Nagagalak kaming makita na ang BC Public Service Agency ay nagpapatuloy sa kanilang kasalukuyang komitment na tukuyin ang mga pagkukulang ukol sa katarungang panlahi na umiiral sa BC Public Service (BCPS). Ito ang ikatlong ulat na nakapokus sa paksang ito mula nang inirekomenda ng komite ang katarungang panlahi sa BCPS bilang isang priyoridad sa pananaliksik na ukol sa anti-racism noong 2023. Habang binibigyang-diin ng mga natuklasan sa ulat ngayong taon ang mga aspekto kung saan nakakaharap ng mga balakid sa pag-usad sa kanilang propesyonal na karera ang mga Indigenous at racialized na empleyado, ang hindi pagkakaroon ng disaggregated o pinaghiwahiwalay na datos ay nagreresulta sa pagkakaroon ng hindi buong larawan ng mga natatanging pagsubok na nararanasan ng mga empleyado. Kailangang suriin ng mas malawak na pananaliksik kung bakit nagkaroon ng mga balakid na ito, at magtulak sa mga may kaalamang talakayan tungkol sa mga posibleng pinsalang umiiral sa public service.
Itinataguyod din ng Anti-Racism Data Committee ang mga pagpapahusay sa paglipas ng panahon, kabilang ang paghikayat sa pamahalaan na mangalap ng disaggregated o pinaghiwahiwalay na datos para sa anti-racism, gumamit ng intersectional analysis, at maglabas ng mga natuklasan na batay sa mga natatanging katangian (distinctions-based) na nagpapakita kung aling mga komunidad ang pinakanaaapektuhan. Alam nating mayroong sistemikong rasismo sa mga serbisyo ng pamahalaan – ito ang nagtulak sa pagbuo ng Anti-Racism Data Act. Ang disaggregated at intersectional analysis ay higit pang ginagamit ang kaalamang ito at malinaw na ipinapakita kung aling komunidad ang nakararanas ng mga hadlang. Mahalaga ito para magkaroon ng progreso ang pagsisikap na ito.
Kailangan din natin makakita ng isang pananaliksik na sinusuri nang buo ang dahilan ng mga magkakaibang datos na naiulat. Mahalaga ang pananaliksik na masusing sinusuri ang mga ugat ng mga ipinapakita ng datos upang mabawasan ang pinsala at maunawaan kung paano maisasakatuparan ng pamahalaan ang kanilang mga komitment sa pagtugon sa sistemikong rasismo.
Sa kabila ng mga pagsubok, nagagalak ang Anti-Racism Data Committee na makita ang pamahalaan na nakikipagtulungan at ibinabahagi ang mga ulat na ito. Nakakatulong ang paglalabas ng mga natuklasang ito sa mga komunidad para makapag-advocate sila ng kanilang mga pangangailangan at mapanagot ang pamahalaan sa pagsasagawa ng mga pagbabago. Habang patuloy na nahaharap sa mga pagsubok ang mga pagsisikap upang malutas ang mga hindi pagkakapantay-pantay dahil sa lahi dito sa B.C. at sa iba’t ibang panig ng mundo, mahalaga na ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang momentum mula nang ipinakilala ang Anti-Racism Data Act. Ang pagprotekta sa pamamagitan ng pagsasabatas ng komitment na ito upang matugunan ang sistemikong rasismo ay nagbibigay ng malinaw na mensahe na ito ay isang priyoridad at patuloy naming pananagutin ang pamahalaan para magsagawa ng mga pagbabago.
Dedikado kami sa pagsisikap na ito at patuloy naming papanagutin ang pamahalaan para magsagawa ng mga kongkretong hakbang upang matugunan ang mga natuklasan ngayon at sa mga susunod pang taon.
Anti-Racism Data Committee, Mayo 2026

Pagsuporta sa pagbuo ng mga priyoridad sa pananaliksik
Sa ilalim ng Anti-Racism Data Act, inirerekomenda ng komite ang mga priyoridad sa pananaliksik upang makatulong sa pagtukoy at paglutas ng sistemikong rasismo at pagsulong ng katarungang panlahi. Ina-update ang mga priyoridad na ito kada dalawang taon, at inilalabas ang mga kaugnay na natuklasan kada taon bilang bahagi ng taunang paglalathala ng estadistika (annual release of statistics).
Karagdagang impormasyon tungkol sa mga kasalukuyang priyoridad sa pananaliksik.
Karagdagang impormasyon
Noong Marso 6, 2026, nag-host ng isang event ang Ministry of Citizens’ Services at Anti-Racism Data Committee tungkol sa pagpapatupad ng Anti-Racism Data Act, ang unang tatlong taong termino ng komite at ang papel na ginagampanan ng datos sa pagsulong ng katarungang panlahi sa B.C.
Panuorin ang recording ng event sa Data in action page.
