Pagsuporta sa pagtatatag ng BC Regional Information Governance Centre

Ang pagmamay-ari (ownership), pag-access at pagkontrol ng de-kalidad na datos ay kritikal na salik para sa epektibong pamamahala, pagpaplano at pagpapasiya, at nagsisilbi din itong pangunahing aspeto ng self-determinasyon at pagtataguyod muli ng mga Nation. Ang bagong tayong organisasyon na BC Regional Information Governance Centre (BC RIGC) ay isinusulong ang mga interes na ito bilang bahagi ng kanilang mandato upang itaguyod ang pambansang First Nations Data Governance Strategy sa B.C.
Isusulong ng BC RIGC ang Indigenous data sovereignty sa pamamagitan ng pagtulong sa First Nations na ma-access at mangalap ng de-kalidad na datos, magamit ang bagong digital infrastructure at mga software tool. Ginagawa rin ito para magamit ang expertise at mga kagamitan at pamamaraan na evidence-based upang mapahusay ang kakayahang mamahala ng datos para masuportahan ang mga layunin, plano at priyoridad ng mga Nation.
Sinusuportahan ng Ministry of Citizens’ Services ang pagsisikap na ito bilang bahagi ng Action 3.14 ng Declaration Act Action Plan. Alinsunod din ang pagsisikap na ito sa priyoridad sa pananaliksik ukol sa anti-racism na nakatuon sa pagsulong ng Indigenous data sovereignty at sinusuportahan ang komitment ng pamahalaan para maisakatuparan ang rekonsilyasyon.
Patuloy na masusuportahan ng Indigenous Identity Data Standard ang pagsisikap ng pamahalaan na mangalap, gumamit at magbahagi ng impormasyon ukol sa identidad na ginagabayan ng pamamaraang batay sa iba-iba at natatanging katangian (distinctions-based). Sinusuportahan ng pamantayang ito ang centre, pati na rin ang mga pagsisikap sa ilalim ng Anti-Racism Data Act.
Kasalukuyang Progreso
Pinamumunuan ng First Nations Leadership Council ang unang yugto ng mga pagsisikap para sa BC RIGC. Kabilang dito ang pagpili sa iba’t ibang data demonstration project na pinangungunahan ng mga Nation upang magbigay ng kaalaman tungkol sa paraan ng operasyon ng BC RIGC at upang makabuo ng bagong generalized tools at assets na maaaring ma-adjust ng iba pang Nation ayon sa sarili nilang konteksto. Sinasakop ng proyektong ito ang iba’t ibang sektor tulad ng:
- Mga halimbawa at pamamaraan para sa mga questionnaire at survey
- Mga kasunduan para sa pagbabahagi ng datos at pagbabahagi ng impormasyon
- Mga patakaran kaugnay sa datos
- Mga kagamitan at pamamaraan para mapahusay ang kalidad ng datos
- Mga prinsipyo ukol sa pamamahala ng datos
Bumuo rin ang BC RIGC ng isang evidence-based data capacity needs assessment tool na sinusuportahan ang First Nations at mga organisasyong First Nations upang matukoy ang kasalukuyang antas (baseline) ng kanilang kakayahan para mamahala ng datos, bumuo ng angkop na action plan at maitugma sa mga tool at template upang maisulong ang action plan na iyon.
Susunod na Hakbang
Ang pamahalaan ng B.C. ay nakikipagtulungan kasama ang First Nations Leadership Council bilang partner sa ilang proyekto upang suportahan ang mga pagsisikap sa ilalim ng BC RIGC. Kabilang dito ang mga pagsisikap upang mapahusay ang pagbabahagi ng datos sa pagitan ng BC Vital Statistics Agency at First Nations.
Sinusuportahan din ng BC Stats ang BC RIGC para sa mga research project na kaugnay sa pagtataya ng populasyon ng Indigenous Peoples at ang mga pang-ekonomiyang kontribusyon ng First Nations sa mga lokal na ekonomiya.
Sa loob ng mga susunod na taon, ang Ministry of Citizens’ Services ay magbibigay ng impormasyon sa iba’t ibang bahagi ng pamahalaan tungkol sa BC RIGC at susuportahan ang mga ministry upang maipagpatuloy ang pagkakaroon ng mga oportunidad para sa partnership. Dagdag pa sa pagsulong ng Indigenous data sovereignty sa B.C., pinapatatag din ng pagsisikap na ito ang mga datos at pananaliksik ng pamahalaan sa pamamagitan ng:
- Paglalatag ng mas malinaw na ekspektasyon tungkol sa paggamit o pag-request ng datos tungkol sa First Nations
- Pagpapahusay ng kalidad ng datos at mga pamamaraan sa pamamahala ng datos na angkop sa kultura
- Pagsuporta sa mas makatarungang disenyo ng programa at pagpapasiya
