Ano ang BC Demographic Survey?
Natapos ang panahon para sagutan ang BC Demographic Survey noong Oktubre 15, 2023.
Maraming salamat sa lahat ng sumagot ng survey. Makakatulong ang impormasyong ibinigay ninyo sa amin upang matukoy ang mga pagkukulang sa mga programa ng pamahalaan, at para matugunan namin ang mga pangangailangan ng mas maraming mamamayan sa British Columbia.
Noong Mayo 30, 2024, inilabas namin ang isang ulat tungkol sa BC Demographic Survey. Kasama dito ang mga detalye tungkol sa:
- Kung paano namin dinisenyo ang mga tanong
- Aming paraan para maabot ang iba’t ibang demograpiko
- Kung paano tumutugma ang mga sagot sa 2021 Census
- Mga mahahalagang kaalaman mula sa survey
Karagdagang impormasyon tungkol sa BC Demographic Survey
Noong Hunyo 14, 2023, inilunsad namin ang BC Demographic Survey (PDF, 253KB) upang matulungan kaming matukoy ang sistemikong rasismo at mapahusay ang mga pampublikong serbisyo para sa lahat sa B.C.
Ang boluntaryong survey na ito ay binuo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan o engagement kasama ang mga Indigenous, Black at iba pang racialized (negatibong naaapektuhan ng panlahing diskriminasyon) na komunidad. Kasama rito ang mga tanong na kaugnay sa lahi, etnisidad, mga ninuno at iba pang larangan ng identity o pagkakakilanlan.
Bakit ginawa ang survey?
Narinig namin mula sa maraming Indigenous at racialized na mamamayan na sila ay napag-iiwanan dahil ang aming mga serbisyo ay idinisensyo nang hindi sila isinasaalang-alang.
Upang matugunan ito, kailangan muna namin ng maraming impormasyon kung sino ang gumagamit ng aming mga serbisyo at kung paano ito gumagana o nakakatulong sa mga tao. Binuo ang survey para matulungan kaming makolekta ang impormasyong ito.
Ano na ang mangyayari ngayong tapos na ang survey?
Kasalukuyan kaming nagsisikap upang pagsamasamahin ang mga sagot sa survey kasama ang ibang impormasyon na mayroon kami upang matukoy ang mga pagkukulang sa aming mga serbisyo at para gawin itong mas accessible at ingklusibo para sa lahat sa B.C.
Susuportahan din ng mga sagot sa survey ang aming mga priyoridad sa pananaliksik tungkol sa anti-racism, na inilabas noong Mayo 29, 2023. Ang mga priyoridad na ito ay nilikha sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Anti-Racism Data Committee at sa mga Indigenous People upang bigyang-pokus ang aming mga pagsisikap sa mga isyu na pinakamahalaga para sa mga mamamayan sa B.C.
Sa 2024, ibabahagi namin ang mga resulta ng survey at mga update sa kung paano namin ginagamit ang impormasyong ito upang masuportahan ang mga priyoridad sa pananaliksik.